Monday, March 24, 2008

College Memoirs

Matagal ko nang hinahanap ang tulang ito, minsan bigla ko na lang syang nako-quote, at sa sandaling ganoon, gustung-gusto kong makita ang buong tula.

Nakakatuwa kasi ang ala-ala ng tulang ito. Nasa kolehiyo na ako noon, di ko nga lang masegurado kung sa una o pangalawang taon ko na.

Ang lubos kung maalala ay ang pagtatanghal namin. Dibdiban kasi ang pagsasanay at pagsasa-ulo ng pagkahaba-habang kwentong tula ni Jose Lacaba (sa research ko na nalaman na s'ya ang sumulat).

Hanggang ngayon ay napapangiti ako ng walang pasubali kapag nai-isip ko ang mga kaganapan , nakikita ko pa rin kasi sa aking balintataw ang mga mukha ng aking mga kaklaseng lalaki na buong sipag at pagpupursige para gawing kapani-paniwala ang kani-kanilang pagganap bilang si juan dela cruz at kami namang mag babae bilang boses ng tagapagsalaysay.

Hindi mahirap paniwalaang masaya at nakakatuwa nga ang pag i-ensayong iyon habang inyong binabasa ang tulang ito...

Ang mga Kagilagilalas na
Pakikipagsapalaran ni Juan de la Cruz

Jose F. Lacaba

Isang gabing madilim
puno ng pangambang sumakay sa bus
si Juan de la Cruz
pusturang pustura
kahit walang laman ang bulsa

BAWAL MANIGARILYO BOSS
sabi ng konduktora
at minura si Juan de la Cruz.

Pusturang-pustura
kahit walang laman ang bulsa
nilakad ni Juan de la Cruz
ang buong Avenida
BAWAL PUMARADA
sabi ng kalsada
BAWAL UMIHI DITO
sabi ng bakod
kaya napagod
si Juan de la Cruz.

Nang abutan ng gutom
si Juan de la Cruz
tumapat sa Ma Mon Luk
inamoy ang mami siopao lumpia pansit
hanggang sa mabusog.

Nagdaan sa Sine Dalisay
Tinitigan ang retrato ni Chichay
PASSES NOT HONORED TODAY
tabi ng takilyera
tawa nang tawa.

Dumalaw sa Konggreso
si Juan de la Cruz
MAG-INGAT SA ASO
sabi ng diputado
Nagtuloy sa Malakanyang
wala namang dalang kamanyang
KEEP OFF THE GRASS
sabi ng hardinero
sabi ng sundalo
kay Juan de la Cruz.

Nang dapuan ng libog
si Juan de la Cruz
namasyal sa Culiculi
at nahulog sa pusali
parang espadang bali-bali
YOUR CREDIT IS GOOD BUT WE NEED CASH
sabi ng bugaw
sabay higop ng sabaw.

Pusturang-pustura
kahit walang laman ang bulsa
naglibot sa Dewey
si Juan de la Cruz
PAN-AM BAYSIDE SAVOY THEY SATISFY
sabi ng neon.
Humikab ang dagat na parang leon
masarap sanang tumalon pero
BAWAL MAGTAPON NG BASURA
sabi ng alon.

Nagbalik sa Quiapo
si Juan de la Cruz
at medyo kinakabahan
pumasok sa simbahan
IN GOD WE TRUST
sabi ng obispo
ALL OTHERS PAY CASH.

Nang wala nang malunok
si Juan de la Cruz
dala-dala'y gulok
gula-gulanit na ang damit
wala pa rin laman ang bulsa
umakyat
Sa Arayat
ang namayat
na si Juan de la Cruz


WANTED DEAD OR ALIVE
sabi ng PC at sinisi
ang walanghiyang kabataan
kung bakit sinulsulan
ang isang tahimik na mamamayan
na tulad ni Juan de la Cruz

No comments: